I love snow!



Pow! Wala nga palang snow ang Pilipinas! Ilan lang ako sa mga nangarap noon na sana may snow sa Pinas tuwing magpapasko. Para naman maranasan ko ang makipagbatuhan ng snowballs at ang sinasabing sleigh ride na hatak hatak ng mga usa ni Santa Clause. Pero mas malabo pa ito sa pag pink ng uwak. Kakailanganin kong maging kapanalig ng Justice League o hindi naman kaya ng X-men para malipat ang buong Pilipinas sa upper northern hemisphere para mangyari ito.



 



Naalala ko ang mga kuwento ng mga kaibigan ko mula sa ibang bansa. Kung paano sila gumawa ng snow man at bumagsak sa napakalambot at napakaputing liyebe sa tuwing maglalaro sila ng habulan. Naiinggit ako sa mga larawang pinapadala nila. Kaya naisip ko na sana umulan din ng liyebe sa Pinas hindi lang yung malamig na simoy ng hangin sa tuwing papalapit na ang kapaskuhan. Sa isang punto naisip ko, bakit hindi kaya ako pumunta sa ibang bansa kung saan may umuulan na liyebe tuwing magpapasko?



 



Sa ibang bansa, mararanasan ko ang maglaro sa liyebe, gumawa ng snow man, makipagbatuhan ng snow ball at higit sa lahat makakapag ice skating sa totoong ice plates at hindi na lang sa SM skating rink. Mararanasan ko na ang lahat ng kinukwento ng mga kaibigan ko. Hindi na ko maiinggit at magtitiis sa hiniwa-hiwalay na bilog-bilog ng styropor o sa pinabulang putting Perla na sabon at idinikit sa sanga ng punong bayabas. Hindi ko na rin lulunurin ang sarili ko sa kapapanuod ng mga Christmas-inspired na pelikula na may mga eksenang nag-iisnow at mag-imagine na isa ako sa mga starring sa palabas na iyon.



 



Datapwat, subalit, however, there’s more to it than that! Iniisip ko pa lamang ang pagtupad sa pangarap ko na makapaglaro sa tambak ng liyebe, makagawa ng snow man, makipagbatuhan ng snow balls at sumakay sa sleigh ride – mukhang mas marami akong mamimiss sa Paskong Pinoy. Ang hamon, keso de bola, ang barbecue ni Ate, ang mga himig ng Paskong Pinoy mula sa mga nagkakaroling, at ang lamig ng hanging dumadampi sa aking pisngi sa madaling araw bilang hudyat ng simbang gabi. Ang kalembang ng mga kampana bago ang misa ng pagsalubong sa pagsilang ni Niño Hesus sa araw ng Pasko. Wala ng sasarap pa sa pagsasalo ng buong pamilya sa Noche Buena!



 



Ang Paskong Pinoy ay hindi lamang tungkol sa pag-ulan ng liyebe gaya ng sa ibang bansa. Ito’y isang selebrasyon ng pagmamahalan, pagbibigayan at pagsasalo sa biyayang ipinagkaloob ng Poong Maykapal. Bakit kakaiba ang Paskong Pinoy? Ito ay sa kadahilanang hindi lang ito sa tuwing ika-25 ng Disyembre ipinagdiriwang kundi simula sa pagpatak ng unang araw ng “Ber” months! Nandiyan ang mga kumukutikutitap na mga parol, mga Christmas lights sa paligid gaya ng Belenismo ng Tarlac at ang ilaw sa Paseo de Roxas ng Maynila at sa Ayala Avenue ng Makati City at mga naggagandahang dekorasyon sa bawat bahay ng mga Pinoy.



 



Wala ng mas sasaya pa sa Pasko na hatid ng mga Pilipino sa bawat isa. Lalo na kapag ang tunay na aral nito ay naisasakatuparan ng bawat isa – ang pagmamahalan, pagbigyan at pagkakasundo.



 



Pilipino ako, mahal ko ang Paskong Pinoy! Ang Pasko na walang kasing saya!



 



I love snow… pa rin, see you in my dreams!



 



Name: Sean Paloma Palacpac-Resurreccion
Email Address: 
seanrcy@yahoo.com 
Age: 28